Friday, December 12, 2008

MPs 115

Kuliling sa Nabinging Kaisipan

Hindi naging madali para sa akin ang magnilay hinggil sa isang tunog na magpapaalala sa akin ng mga espesyal na pangyayari sa aking buhay. Kung dinudugo ang utak sa pag-aaral tuwing may pagsusulit, aaminin kong nakadudugo din pala kung pipilitin mong gumawa ng mga bagay na hindi mo naman normal na ginagawa. At sa sitwasyong ito, ang pilit na pag-alala sa mga tunog na maghahatid ng mga biswal na pangyayari. Hindi katulad ng mga materyal na bagay, madaling hagilapin, madaling balikan kung may pagkakataon, ang tunog ay kawangis ng panahong lumilipas, walang naiiwang bakas sa kanyang dinaraanan.

Sa paglipas ng mga oras, wala pa rin akong maisip na partikular na tunog. Pinilit kong magnilay muli. Pinilit na maging sensitibo sa kapaligiran. “Twit, twit”, ang huni ng mga ibong nakakanlong sa mga sanga ng mga punong nasa harap ng silid; “bangggg!” ang pagsusumigaw ng pintong ibinalibag sa may dulo ng pasilyo; “bagg!”, ang daing ng mga librong nahulog sa sahig. Ngunit sa aking pagkadismaya, wala ni isa sa mga ito ang nagbigay ng masaganang kaalaman. Nawawalan na ‘ko ng pag-asa, nangangambang wala na namang maipasang papel para sa gawaing ito.

Naisip kong maghabi na lang ng kuwento. Pero naisip kong wala akong pinagkaiba sa mga nangongopya kapag may eksam-nilalamangan ang sarili. Sa pangalawang pagkakataon, pinilit kong pakinggan ang aking kapaligiran. Ngunit ang pangalawa ay mukhang umaayon sa nauna. Sa pagkadesperado, pumasok sa isip ko ang isang magandang plano. “Bakit hindi ako gumawa ng tunog sa kung anong mga bagay na meron ako? Baka makatulong kahit papano.”

Sinuri ko ang aking mesa. Mayroong mga panulat, mga libro at kwaderno. Mayroon ding ilang kubyertos, baso at plato. Parang may katotohanan pala ang imahinaryong bombilya at biglang nagliwanag sa aking kamalayan ang larawan ng isang masayang handaan. Narinig ko ang ingay ng mga pinggang hinuhugasan, mga kutsara’t tinidor na nilalabas mula sa taguan. Ngunit nabahala akong pano ako mababalik sa nakaraan kung mag-isang plato o kutsara lang aking nasumpungan sa aking mesa. Dito ako napasulyap sa isang kuliling na sa hindi ko malamang dahilan ay tila bumingi sa aking pangamba. Noon din ay ito’y dinampot at marahang kinalembang. Sa tunog na narinig, lubos na kagalakan ang aking nadama. Bumalik sa aking ulirat ang mga piyestang masayang idinaraos sa aming lugar noong mga panahong ako ay bata pa. Muling bumalik ang larawan ng kasiyahan sa mukha ng mga taga sa amin. Ang masayang panonood sa nagdaraang banda na hatid ay musikang kahalina-halina ay muling nagbalik, at gayundin ang mga kalarong naghahabulan sa pagbuntot sa bandang nagbibigay buhay sa okasyon. Naging larawan din sa kaisipan ang mga kalalakiha’t kababaihang abala sa pagahahanda ng samu’t saring mga putahe at mga pagkaing para sa mga panauhin, kasama na rin ang mahabang prusisyon ng mga debotong Katoliko, ang tunog ng mga paputok, at maging ang mga mukha ng mga taong hindi na makagulapay ay patuloy pa rin sa pagpapakalasing. Ang larawan sa lugar namin na kahit minsan sa isang taon, ang lahat ay pansamantalang nakakalimot sa mga problema, ang lahat ay may ngiti sa kanilang mga labi.

Dahil sa simpleng tunog ng kuliling na dati-rati ay isang simpleng tunog lamang, nagbalik na naman ang larawan ng nakaraan. Pinagbuklod nito ang tunog ng mga bagay na sa hinagap ko ay hindi magkakaroon ng kaugnayan. Ang tunog ng pinggan, kutsara’t tinidor na nasa hapag, tila nakatali sa isang pising sa bawat pagkuliling ng munting kalembang ay kasabay ding nagbibigay ingay sa nabinging pandinig ng aking kaisipan.

Tuesday, November 25, 2008

MPs 115- Salamat sa Headband


Lumabas ako ng aming dormitoryo upang sundin ang panuto ng aming propesor na magmasid sa kalangitan sa loob ng sampung minutos. Habang pinipilit ko ang sarili kong umisip ng mga bagay na magpapaalala sa akin ng mga espesyal na pangyayari, ay saka naman naging de-aktibo ang aking imahinasyon. Mahirap talagang gawin ang isang bagay na hindi mo naman normal na ginagawa. Sinubukan ko muling lumabas, ngunit sa pangalawang pagkakataon ay bigo pa rin akong pumasok ng aking silid bitbit ang agam-agam na hindi makapagsumite ng kinakailangang papel.

“Wala talagang kasiguraduhan”, yan ang naisip ko. Hindi mo natitiyak kung kailan gagana ang iyong kaisipan. May mga pagkakataong ayaw mong mag-isip ngunit sa maga panahong ito, walang humpay ang pagadating ng mga kaalaman-mga kaalamang sana ay naging kapaki-pakinabang kung naging maagap lamang.

Sa hindi inaasahang lugar, natagpuan ko ang aking hinahanap. Habang abalang-abala ang aking mga kaklase sa pagpipintura at pagpupustura ng kani-kanilang mga mukha, hindi ko namalayang nakatitig na pala ako sa monitor ng aming istudyo. Abala din ang isip ko noon sa pagninilay-nilay kung kailangan din ba akong magpintura ng mukha para sa aming produksyon na noo’y isang pagbabalita. Habang tinititigan ko ang monitor, pinukaw ako ng isang bagay na suut-suot na babaeng sa bidyo ay kaparis ng mga kaklase kong pinipinturahan din ang mukha. Isang headband, tama, isang simpleng headband ngunit masasayang alaala ang naging hatid nito sa aking kamalayan.

Hindi ko inaasahang sa simpleng bagay na ‘to, ibabalik nito ako sa mga alaala ng aking kabataan. Biglang bumuhos ang masaganang mga nakaraan. Biglang nagbalik sa akin ang mga araw na payak ngunit masayang pamumuhay. Naging detalyado sa aking imahinasyon ang mga pangyayari na kung saan ay masaya kaming naglalaro ng aking mga kapatid. Maging ang mga panahong ang buong pamilya ay sama-samang natutulog sa isang silid kasama na ang mga gabing nabubulabog ang lahat dahil sa gitna ng kahimbingan ng lahat ay ang pag-agos ng hindi mapagilang tubig na talaga namang sakit ng kamusmusan at ang mga mga araw na sabik na sabik kaming salubungin ang aking tatay o dili kaya nama’y ang aking nakatatandang kapatid mula sa pagpapagal para sa ikabubuhay ng aming pamilya ay kasama ding nagbalik. Tandang-tanda ko pa na nagagalak kaming sila ay salubungin hindi dahil sa namiss na namin sila (naging sekondarya na lang ito) kundi bagkus ay sa ngalan ng mga pasalubong na kanilang dala-dala. Ang masaya at magulong pag-uunahan sa pag-abot ng mga ito nang sa gayon ay makuha ang pribilehiyong makamtan ang karamihan sa mga ito, ay sadyang hindi maalis sa isip ko.

Naging biswal sa aking kaisipan ang nasabing headband. Ang headbang suot lamang ng babaeng sadyang walang kaugnayan ngunit ibinalik ako sa nakaraan, sa mga masasayang araw ng aking kabataan. Ang headbang ang tanging gamit lamang ay bilang pampustura, ngayon para sa akin ay simbolismo na. Habang bumabalik sa akin ang mga alaala, kahit papaano’y naging maligaya ang naging pababalik-tanaw. Ngunit sa sandaling kaligayahang ito’y may kung anong kumurot sa aking puso-ang masakit na kurot ng pangungulila. Ang mga headbang suot ng babae, ngayon ay kawangis ng mga headbang nakasabit sa may hagdanang malapit sa salamin ng aming tahanan, hatid ay pangungulila ngunit kaakibat ay mga alaalang kaysayang balikan. Walang hinanakit sa kalangitan, ngunit salamat sa bidyong nagbigay ng mga kaalaman. Salamat sa babaeng may suot nito. Salamat sa headband.

Monday, November 17, 2008

blog123

Una sa lahat, ayoko ko talagang gumawa ng blog.Siguro kung bibigyan ako ng pagkakataon, mas pipiliin kong wag na lang. Ano bang pakiramdam kung itatala mo ang bawat pangyayari sa buhay mo sa isang tila talaarawan na hindi naman sayung-sayong? Ayos lang kung mga kaibigan mo lang o mga kaklase ang babasa eh, pero hindi ganun .Pinili mong magblogging, paninidigan mong isumbong sa buong mundo mga hinaing mo…Kapalan ang mukha, lunikin ang hiya..” wag nang magdalawang-isip, isulat na sa elektonikong kwaderno ang lahat ng nararamdaman…Nagbago na talaga ang panahon. Dati-rati, ang relasyon ng isang tao sa kanyang talaarawan ay sadyang personal at makakatotohanan. “Ang sama-sama ng loob ko kanina kase hindi ako pinansin nung crush ko…”Ngunit ngayon, talagang napalitan na ng makamundong pagpapanggap. “ Ang sama-sama ng loob ko kase di ako pinasin nung crush ko kanina sa Starbucks…” Bakit? Dahil ba sa buong mundo kausap mo, masisikmura mong maghabi ng kwentong ni sa hinagap mo ay hindi magkakatotoo? Naiinis ako sa mga taong sa sobrang pagbabalat-kayo mismong sarili nila hindi na nila makilala. Na kapag tinanggalan mo ng maskara ay ilang taon mo bago makilala. Naaawa ako sa mga taong binabago ang sarili para lang magustuhan ng iba. Na kahit na identitad ang nakokompromiso eh sige para rin sa pagsuot ng maskara ng kasinungalingan. Sa “blogging”, marami ang nagiging maligaya…nagiging masaya sa pagkukuwento ng mga binaluktot na katotohanan…Minsan pa lang ako nakabasa ng aktwal na blog, pero sa sobrang lalim ng mga salitang inusal dito, dinugo ako sa pag-unawa. “Worry is a subtle evil. It wreaks untold havoc in the lives of people. Disguised as having to do with relieving your predicament, worry actually disturbs your peace and squanders your time. It slackens your mind from thinking right and makes you blind to reason. Worry causes you to be passive or wreckless. It puts your aspirations to a standstill and your plans disarray. Worry agitates confusion and creates a dizzy sluggard out of you. Worry blocks the day from moving on to tomorrow. It frustrates goals and devastates hope. Worry robs you of joy and dislodges God from His throne for worry is the very antithesis of faith”..Napaisip ako… “naunawaan kaya nya sinulat nya?” Malamang sa malamang ay oo kahit paano. Naisip ko lang…kelangan ba talagang maging malalalim? Kelangan bang sa pagsusulat ang banat ay yung tipong ikaw lang ang makakunawa? Na ipinagkakait sa iba ang laman ng ‘yong gawa? Bakit kelangang mag-alala kung ano ang isusulat? Sabi nga sa bibliya, mas magiging maayos kung gagamit ng maraming salita na mauunawaan kaysa ang paggamit ng sampu na ikaw lang ang may kayang gagapin sa utak. Walang masama kung mababa kang magsalita. Walang kaso kung puro payak at palasak ang mga pangungusap at tayutay na iyong gagamitin. Ang mahalaga, may patutunguhan ang lahat ng iniisip mong binibigyang-buhay ng iyong mga daliri. Hindi kaparis ng ginagawa ko ngayon, walang destinasyon. Pero minsan, nakakahalinang magpanggap..Magpapanggap na kahit papano’y may laman ang utak. Masayang magbigay ng mga payong hindi naman talaga nanggaling sa ‘yo. Na nabasa lang sa upuan ng bus na sinakyan kaninang umaga o sa pinto ng palikuran sa loob ng paaralan..Tama bang basahin ang mga nakasulat sa pinto?O teka lang may gagamit na ng banyo..kanina pa ko dito..Baka akalain nila nakatulog na ko sa paglalabas ng problema..