Ito ay istorya ni Toni.
Sino si Toni?
Hindi pa man sumisilip ang haring araw, maingat nang inihahanda ni Toni ang kanyang sarili sa isa namang hamon ng umagang yaon. Magmula nang panghabangbuhay na iwan sila ng kanyang butihing ina, wala nang ginawa ang kanyang ama kundi ang lunurin ang sarili sa alak, at kung hindi man, pagsusugal naman ang binabalingan nito. Ano pa’t wala nang maaasahan si Toni kundi ang sarili.
Sa araw-araw niyang pagtatrabaho bilang isang magtitinda ng sampaguita, nariyang halos wala nang maiuwing salapi kung minsan dahilan na rin ng mga pagkakataong mahirap kontrolin ng isang kagaya niya. Nariyang umaga pa lamang ay ubos na ang kanyang mga paninda at akma nang pauwi sa kanilang tahanan ng lapitan siya ng isang grupo ng mga sigang lalaki mula kanto at sapilitang inangkin ang kanyang pinaghirapan. Dahilan na rin sa mura pang katawan at ng sadyang pagiging mahina, ang mga bagay na ito’y sa Diyos na lang niya ipinapaubaya. Kung magkagayon ma’y nananatili siyang positibong may bukas pa.
Ngunit ibang pangamba ang kanyang nararamdaman sa tuwing uuwi ng kanilang tahanan ng walang maiaabot sa iresponsable niyang ama. Mas masahol pa sa nararamdaman niya sa tuwing tinatambangan siya ng mga buwayang kabataan tumutuyo sa kanyang pinagpaguran.
Malapit pa lang sa kanilang tarangkahan, kitang-kita na niya ang anino ng kanyang amang hawak ay botelya ng alak at waring hinihintay talaga ang kaniyang pagdating. Maingat niyang iniangat ang kahoy na panara, at dahan-dahang ibinalik muli sa kinalalagyan nang sa gayon kahit papaano’y hindi agad mapansin ng huli. Ngunit sa pagbukas niya ng pintuan, matinding kaba ang sumaklot sa kanyang kaibuturan. Ang ama niyang pulang-pula ang mukha,
sanhi ng maghapong paglaklak ang bumungad sa kanya. Akma niyang aabutin ang kamay nito upang magmano nang isang mainit na kamao ang ibigay nito na halos magpawala sa kanyang ulirat. Hindi na niya lubos na maunawaan ang mga nangyayari . Ngunit sigurado siyang pera lang ang hinahanap na kanyang ama. Sa bagay na ito’y wala na siyang maibibigay pa, sa kadahilanang nilimas na ng mga buwaya. Kung kaya’t lalo itong nagpuyos sa galit at walang awang nilamog ang murang niyang katawan. Bago tuluyang mawalan ng malay ay isa lang ang tanging alam niya, kailangan pa niyang mabuhay, hindi para sa malupit na ama, kundi para sa alaala ng kanyang yumaong ina.
Ngunit para kay Toni, mas gusto niyang binubugbog na lang sana siya ng kanyang ama.
Nagising siya ng gabing ‘yon may kung anong bigat ang nakapigil sa kanya. Alam niya ng lubusan kung ano ito sa kabila ng kadiliman ng paligid. Hindi siya kailanman umiyak sa tuwing binubugbog siya ng kanyang ama ngunit sa bagay na ito’y ang matatag niyang kalooba’y unti-unting pinapanawan ng lakas. Batid niya ang mga nangyayari. At ang kalbaryo niyang ito’y tila wala nang katapusan.
Kailan kaya siya lalaya? Kailan kaya niya matatakbuhan ang malupit na tadhana sa piling ng ama? May magandang bukas pa kayang siyang kinakaharap? Ang mga ganitong tanong ang madalas na umiinog sa isipan nya.
Ito ang kuwento ni Toni.
Ito ang kuwento ng isang batang sa kabila ng realidad ng kalupitan ng buhay ay nanatiling matatag at puno ng pag-asang makakabangon muli.
Ito ang kuwento ni Toni.
Isang yugto sa buhay ni Antonio dela Cruz.