Kuliling sa Nabinging Kaisipan
Hindi naging madali para sa akin ang magnilay hinggil sa isang tunog na magpapaalala sa akin ng mga espesyal na pangyayari sa aking buhay. Kung dinudugo ang utak sa pag-aaral tuwing may pagsusulit, aaminin kong nakadudugo din pala kung pipilitin mong gumawa ng mga bagay na hindi mo naman normal na ginagawa. At sa sitwasyong ito, ang pilit na pag-alala sa mga tunog na maghahatid ng mga biswal na pangyayari. Hindi katulad ng mga materyal na bagay, madaling hagilapin, madaling balikan kung may pagkakataon, ang tunog ay kawangis ng panahong lumilipas, walang naiiwang bakas sa kanyang dinaraanan.
Sa paglipas ng mga oras, wala pa rin akong maisip na partikular na tunog. Pinilit kong magnilay muli. Pinilit na maging sensitibo sa kapaligiran. “Twit, twit”, ang huni ng mga ibong nakakanlong sa mga sanga ng mga punong nasa harap ng silid; “bangggg!” ang pagsusumigaw ng pintong ibinalibag sa may dulo ng pasilyo; “bagg!”, ang daing ng mga librong nahulog sa sahig. Ngunit sa aking pagkadismaya, wala ni isa sa mga ito ang nagbigay ng masaganang kaalaman. Nawawalan na ‘ko ng pag-asa, nangangambang wala na namang maipasang papel para sa gawaing ito.
Naisip kong maghabi na lang ng kuwento. Pero naisip kong wala akong pinagkaiba sa mga nangongopya kapag may eksam-nilalamangan ang sarili. Sa pangalawang pagkakataon, pinilit kong pakinggan ang aking kapaligiran. Ngunit ang pangalawa ay mukhang umaayon sa nauna. Sa pagkadesperado, pumasok sa isip ko ang isang magandang plano. “Bakit hindi ako gumawa ng tunog sa kung anong mga bagay na meron ako? Baka makatulong kahit papano.”
Sinuri ko ang aking mesa. Mayroong mga panulat, mga libro at kwaderno. Mayroon ding ilang kubyertos, baso at plato. Parang may katotohanan pala ang imahinaryong bombilya at biglang nagliwanag sa aking kamalayan ang larawan ng isang masayang handaan. Narinig ko ang ingay ng mga pinggang hinuhugasan, mga kutsara’t tinidor na nilalabas mula sa taguan. Ngunit nabahala akong pano ako mababalik sa nakaraan kung mag-isang plato o kutsara lang aking nasumpungan sa aking mesa. Dito ako napasulyap sa isang kuliling na sa hindi ko malamang dahilan ay tila bumingi sa aking pangamba. Noon din ay ito’y dinampot at marahang kinalembang. Sa tunog na narinig, lubos na kagalakan ang aking nadama. Bumalik sa aking ulirat ang mga piyestang masayang idinaraos sa aming lugar noong mga panahong ako ay bata pa. Muling bumalik ang larawan ng kasiyahan sa mukha ng mga taga sa amin. Ang masayang panonood sa nagdaraang banda na hatid ay musikang kahalina-halina ay muling nagbalik, at gayundin ang mga kalarong naghahabulan sa pagbuntot sa bandang nagbibigay buhay sa okasyon. Naging larawan din sa kaisipan ang mga kalalakiha’t kababaihang abala sa pagahahanda ng samu’t saring mga putahe at mga pagkaing para sa mga panauhin, kasama na rin ang mahabang prusisyon ng mga debotong Katoliko, ang tunog ng mga paputok, at maging ang mga mukha ng mga taong hindi na makagulapay ay patuloy pa rin sa pagpapakalasing. Ang larawan sa lugar namin na kahit minsan sa isang taon, ang lahat ay pansamantalang nakakalimot sa mga problema, ang lahat ay may ngiti sa kanilang mga labi.
Dahil sa simpleng tunog ng kuliling na dati-rati ay isang simpleng tunog lamang, nagbalik na naman ang larawan ng nakaraan. Pinagbuklod nito ang tunog ng mga bagay na sa hinagap ko ay hindi magkakaroon ng kaugnayan. Ang tunog ng pinggan, kutsara’t tinidor na nasa hapag, tila nakatali sa isang pising sa bawat pagkuliling ng munting kalembang ay kasabay ding nagbibigay ingay sa nabinging pandinig ng aking kaisipan.
No comments:
Post a Comment