Una sa lahat, ayoko ko talagang gumawa ng blog.Siguro kung bibigyan ako ng pagkakataon, mas pipiliin kong wag na lang. Ano bang pakiramdam kung itatala mo ang bawat pangyayari sa buhay mo sa isang tila talaarawan na hindi naman sayung-sayong? Ayos lang kung mga kaibigan mo lang o mga kaklase ang babasa eh, pero hindi ganun .Pinili mong magblogging, paninidigan mong isumbong sa buong mundo mga hinaing mo…Kapalan ang mukha, lunikin ang hiya..” wag nang magdalawang-isip, isulat na sa elektonikong kwaderno ang lahat ng nararamdaman…Nagbago na talaga ang panahon. Dati-rati, ang relasyon ng isang tao sa kanyang talaarawan ay sadyang personal at makakatotohanan. “Ang sama-sama ng loob ko kanina kase hindi ako pinansin nung crush ko…”Ngunit ngayon, talagang napalitan na ng makamundong pagpapanggap. “ Ang sama-sama ng loob ko kase di ako pinasin nung crush ko kanina sa Starbucks…” Bakit? Dahil ba sa buong mundo kausap mo, masisikmura mong maghabi ng kwentong ni sa hinagap mo ay hindi magkakatotoo? Naiinis ako sa mga taong sa sobrang pagbabalat-kayo mismong sarili nila hindi na nila makilala. Na kapag tinanggalan mo ng maskara ay ilang taon mo bago makilala. Naaawa ako sa mga taong binabago ang sarili para lang magustuhan ng iba. Na kahit na identitad ang nakokompromiso eh sige para rin sa pagsuot ng maskara ng kasinungalingan. Sa “blogging”, marami ang nagiging maligaya…nagiging masaya sa pagkukuwento ng mga binaluktot na katotohanan…Minsan pa lang ako nakabasa ng aktwal na blog, pero sa sobrang lalim ng mga salitang inusal dito, dinugo ako sa pag-unawa. “Worry is a subtle evil. It wreaks untold havoc in the lives of people. Disguised as having to do with relieving your predicament, worry actually disturbs your peace and squanders your time. It slackens your mind from thinking right and makes you blind to reason. Worry causes you to be passive or wreckless. It puts your aspirations to a standstill and your plans disarray. Worry agitates confusion and creates a dizzy sluggard out of you. Worry blocks the day from moving on to tomorrow. It frustrates goals and devastates hope. Worry robs you of joy and dislodges God from His throne for worry is the very antithesis of faith”..Napaisip ako… “naunawaan kaya nya sinulat nya?” Malamang sa malamang ay oo kahit paano. Naisip ko lang…kelangan ba talagang maging malalalim? Kelangan bang sa pagsusulat ang banat ay yung tipong ikaw lang ang makakunawa? Na ipinagkakait sa iba ang laman ng ‘yong gawa? Bakit kelangang mag-alala kung ano ang isusulat? Sabi nga sa bibliya, mas magiging maayos kung gagamit ng maraming salita na mauunawaan kaysa ang paggamit ng sampu na ikaw lang ang may kayang gagapin sa utak. Walang masama kung mababa kang magsalita. Walang kaso kung puro payak at palasak ang mga pangungusap at tayutay na iyong gagamitin. Ang mahalaga, may patutunguhan ang lahat ng iniisip mong binibigyang-buhay ng iyong mga daliri. Hindi kaparis ng ginagawa ko ngayon, walang destinasyon. Pero minsan, nakakahalinang magpanggap..Magpapanggap na kahit papano’y may laman ang utak. Masayang magbigay ng mga payong hindi naman talaga nanggaling sa ‘yo. Na nabasa lang sa upuan ng bus na sinakyan kaninang umaga o sa pinto ng palikuran sa loob ng paaralan..Tama bang basahin ang mga nakasulat sa pinto?O teka lang may gagamit na ng banyo..kanina pa ko dito..Baka akalain nila nakatulog na ko sa paglalabas ng problema..
No comments:
Post a Comment